This is worth sharing. Mahaba s'ya ng very lite pero sana pagtyagaan mong basahin hanggang sa huli. Interview ito ng isang InterAksyon correspondent sa TV5 kay Aling Rosalinda Garcia, mga nasa sisenta anyos.
Nakatira s'ya sa pinagtagni-tagning pinulot na plywood sa isang slum area sa Tondo, kasama ang dalagitang anak na si Jennifer. Konting sipa, magigiba ang bahay dahil tinalian lang ang bawat sulok ng plastic na straw na hiningi sa tindahan.
Sila yung halimbawa ng pinoy na walang-wala. In fact, sa tinitirhan nilang squatters area, mas alta-sosyedad pa sa kanila ang mga tribe members sa bundok tralala. Dahil ayon sa concensus ng mga homeowners, sila na ang pinakamahirap sa lupon ng mahihirap doon.
Layunin nitong maging thankful tayo sa kakaunti or maraming bagay na meron tayo, ang mapahalagahan lahat kahit pinakasimpleng pagkain, bagay o gamit na laman lang ng bahay natin. Siguro ang kapalaran ay minamaneho ng swerte at pananampalataya. Pero may nabubuhay talagang mga tao sa mundong ito na wala pa sa kalingkingan ng mga bagay na meron ka, pero naka-"hashtag lumalaban".
ISANG SULYAP SA BUHAY NG ISANG MAHIRAP PA SA MAHIRAP
INTERAKSYON (IA): Ano po ang natapos ninyo?
GARCIA: Hindi ako nakapag-aral kahit Grade One.
IA: Ilang taon na po kayo?
GARCIA: Kwarenta... Singkwenta... Hindi ako sigurado eh.
IA: May birth certificate po ba kayo?
GARCIA: Wala.
IA: Nasaan po ang asawa ninyo?
GARCIA: Patay na. Matagal na. Napag-tripan ng mga adik sa Pier 2, pinalo nang pinalo sa binti. Hindi na nakatayo. Tapos nagkaroon ng diabetes.
IA: May anak po ba kayo?
GARCIA: Oo, etong kasama ko, si Jennifer.
IA: Ilang taon na po si Jennifer?
GARCIA: Onse... katorse... Di rin ako sigurado.
IA: Wala rin po siyang birth certificate?
GARCIA: Wala, di ko naparehistro.
IA: Nag-aaral po ba siya?
GARCIA: Hindi.
IA: Kahit kailan po hindi nakapag-aral? Kahit Grade One?
GARCIA: Hindi.
IA: Ano po ang trabaho ninyo?
GARCIA: Nagwawalis ng kalsada
IA: Ilang oras po ang trabaho ninyo?
GARCIA: Mga lima.
IA: Anong oras kayo nagsisimulang magwalis?
GARCIA: Alas kwatro (ng madaling araw).
IA: Anong oras natatapos?
GARCIA: Mga alas nuwebe (ng umaga).
IA: Magkano po ang kita ninyo?
GARCIA: Dalawang libo.
IA: Kada buwan?
GARCIA: Kada tatlong buwan.
IA: Sino po ang nagpapasweldo sa inyo?
GARCIA: Ang barangay.
IA: Ano po ang kadalasang almusal ninyo?
GARCIA: Monay at kape.
IA: Magkano po ang gastos ninyo sa almusal sa isang araw?
GARCIA: Trenta pesos.
IA: Sa tanghalian po, ano ang kadalasang kinakain?
GARCIA: Pakbet na gulay o kaya tuyo.
IA: Magkano po ang nagagastos sa ulam?
GARCIA: Mga kinse (pesos)
IA: Niluluto po ninyo ang ulam o binibili?
GARCIA: Binibili, luto na.
IA: Paano po ang bigas?
GARCIA: 'Yung Iglesia ni Cristo ang nagbibigay sa amin. Tatlong kilong bigas kada Lunes.
IA: Tatlong kilong bigas sa isang linggo kasya na?
GARCIA: Di kasya. Mga apat o limang araw lang nagtatagal ang bigas.
IA: Eh Paano po pag wala nang bigas?
GARCIA: Tinapay na lang, o minsan wala.
IA: Ang bigas po ba ninyo kayo ang nagsasaing?
GARCIA: Hindi, nakikisaing na lang sa kapitbahay. Wala akong gamit sa pagluluto.
IA: Nakakain po ba kayo palagi ng tatlong beses isang araw?
GARCIA: Siguro... mga tatlo o apat na araw lang tatlong beses ang kain sa isang linggo.
IA: Doon po sa mga araw na di kayo kumakain ng tatlong beses, ilang beses na lang po kayo kumakain?
GARCIA: Dalawa o isang beses na lang.
IA: Ano po kinakain ninyo sa mga natirang araw na di ninyo nakukumpleto ang pagkain ng tatlong beses isang araw?
GARCIA: Tinapay na lang. Pag may natirang kanin o may nagbigay ng kanin, toyo ang ulam.
IA: Magkano po ang kadalasang budget ninyo sa pagbili ng toyo sa isang linggo?
GARCIA: Apat na piso.
IA: Pag nagugutom po at wala nang makain, ano po ang ginagawa ninyo?
GARCIA: Wala. Natutulog na lang kami ng maaga para 'di makaramdam ng gutom.
IA: Wala po kayong gripo sa bahay?
GARCIA: Wala.
IA: Saan po kayo kumukuha ng tubig?
GARCIA: Umiigib sa kapitbahay.
IA: Libre po 'yon?
GARCIA: Hindi, may bayad. Piso isang galon.
IA: Sa isang linggo, ilang galon po ang binibili ninyo?
GARCIA: Dalawa.
IA: Ilang beses po kayong naliligo sa isang linggo?
GARCIA: Dalawang beses.
IA: Si Jennifer po?
GARCIA: Dalawa rin, sabay kaming maligo.
IA: Nagsha-shampoo po kayo?
GARCIA: Minsan, pag may pambili.
IA: Eh pag wala?
GARCIA: Sabon na lang.
IA: Ano pong sabon?
GARCIA: Kadalasan 'yung sabong panlaba, 'yon na rin panligo.
IA: Ano po ang sabong panlaba ninyo?
GARCIA: Champion.
IA: Ilang beses po kayong maglaba sa isang linggo?
GARCIA: Isa.
IA: Magkano nagagastos ninyo sa pagbili ng Champion sa isang linggo?
GARCIA: Sampu (piso).
IA: May CR po kayo?
GARCIA: Wala.
IA: Saan po kayo dumudumi?
GARCIA: Sa plastic o kaya sa damit na di na ginagamit.
IA: Saan n'yo po tinatapon ang dumi ninyo?
GARCIA: Sa basurahan o kaya sa imburnal.
IA: Saan po kayo umiihi?
GARCIA: Sa arinola.
IA: Saan po ninyo tinatapon ang ihi ninyo?
GARCIA: Sa imburnal din.
IA: May kuryente po kayo?
GARCIA: Wala.
IA: Ano po ang ginagamit ninyong pampailaw?
GARCIA: Kandila.
IA: Magkano ang budget ninyo sa kandila sa isang araw?
GARCIA: Tatlong piso.
IA: Nakakabili kayo ng kandila araw-araw?
GARCIA: Hindi. Pag walang pambili, di na lang nagkakandila.
IA: Ilang beses po kayong nagsisipilyo sa isang araw?
GARCIA: Isa.
IA: Isang beses isang araw?
GARCIA: Hindi, minsan isang linggo, pero wala akong sipilyo.
IA: Paano po kayo nakakapaglinis ng ngipin kung wala kayong sipilyo?
GARCIA: 'Yong tela o bimpo, kinukuskos lang sa ngipin.
IA: Ang bimpo po nilalagyan ninyo ng toothpaste?
GARCIA: Wala kaming toothpaste. Di kami nagko-Colgate.
IA: Eh ano po ang pinanlilinis ninyo ng ngipin?
GARCIA: 'Yung tela o bimpo pinangkukuskos sa ngipin nilalagyan ng Champion.
IA: So ang toothpaste n'yo po 'yung Champion... Si Jennifer po ganoon din?
GARCIA: Oo. Ang dami na ngang sira ng ngipin niya.
IA: Ano po ang ginagamit niyo na panlinis ng tenga?
GARCIA: Palito ng posporo.
IA: Nireregla pa po ba kayo?
GARCIA: Hindi na.
IA: Kailan pa po kayo huling nagkaregala?
GARCIA: Matagal na... di ko na matandaan.
IA: Noong nireregla pa po kayo, nakakabali po kayo ng menstrual pad o napkin?
GARCIA: Pag may pambili. Pag wala, pasador na lang. 'Yung tela o kaya lumang damit na di na ginagamit.
IA: May sapatos po ba kayo?
GARCIA: Wala. Step-in lang.
IA: Ilang buo o maayos pa pong panty meron kayo?
GARCIA: Dalawa.
IA: Anu-ano po ba ang gamit ninyo sa bahay?
GARCIA: Wala.
IA: Wala? Kahit kutsara?
GARCIA: Ah meron - kutsara, tinidor, pinggan.
IA: Ano pa?
GARCIA: Kumot, unan, hanger.
IA: Ano pa po?
GARCIA: Wala na.
IA: Kung magkapera po kayo pambili ng pagkain, ano po ang gusto ninyong kainin?
GARCIA: Gusto kong kumain ng baboy. 'Yung adobo. Matagal na akong di nakakain no'n.
IA: Ano po ang nararamdaman niyo kapag sobra kayong nagugutom?
GARCIA: Sumasakit ang ulo ko. Masakit ang tiyan... maasim ang sikmura.
Sa mga oras na hindi natin nakukuha ang gusto natin. Nagagalit tayo, nagmamaktol. Kung tutuusin, hindi rin talaga natin alam kung anong meron tayo.