24.5.13

Agaw-liwanag Sa Tabing-Ilog



Abril, 1941



      Nasa high shool pa lamang sila nang unang matagpuan ang pook na iyon. Sadyang mahal ng babae ang tubig. Ang simoy ng hanging pumapalibot dito. At ang magandang tanawin na sa litrato lamang nila kayang angkinin.










  
       Kung ang mga taga-rito’y nagkakasya na lamang sa paghinga ng malalim sa tuwing mamalasin ang hangganan ng ilog, sila nama’y ibig kulungin ang oras habang sinasaid ang bawat sandali ng pananakop sa kagandahan nito.

      Katatapos ng klase nila noon sa eskwela, at sa tabi ng puno dito unang hinarap ng binata ang katapangang magtapat ng nararamdaman sa matalik niyang kaibigang-babae.







Nobyembre, 1946



      Marunong ang Diyos. Kasabay ng mabilis na paglipas ng mga buwan, mas lalo pa nilang minamahal ang isa’t isa sa bawat araw na nagdaraan.



      LALO’T HIGIT, MINAHAL NILA ANG KANILANG MGA PAGKAKAIBA.




      Karampot lamang ang perang inabot ng mga isponsor sa kanilang kasal. Sapat pampanimula at pamasyal sa tabing-ilog tuwing katapusan ng linggo. Pinayagan sila ng isang kamag-anak na rentahan ang isang kubong may isa o dalawang kilometro ang layo mula sa minamahal nilang tubig.



      Alanganin ang oras sa pagtatrabaho ng lalaki sa pagkakarpintero, kaya kadalasang di sila makabyahe papunta sa ilog hanggang madaling araw ng Sabado. Ngunit sa tuwing matumal ang pamamasyal ng mga lamok, mas ibig nilang maglunoy sa tubig sa liwanag ng buwan. Kinakanta ang mga pamosong awitin ng kanilang panahon at isinasandal ang mga likod sa gilid ng punong santol. Ipinipikit ang mga matang animo’y idinuduyan ng panaginip. Magkasalong tinutungga ang isang boteng alak habang inilililok sa kalawakan ang kanilang mga pangarap.







Mayo, 1949



      Tag-araw noon nang ipamana sa kanila ng tatang ng babae ang bangkang de-motor na napaglumaan nito sa pangangawil. Lilibutin nila ang buong ilog at iisa-isahin ng kanilang mga mata ang mga bahay sa gilid. Nangangarap kung ano kayang pakiramdam ng magtirik ng permanenteng bakasyunan sa tabing-ilog. At ipipiling lang ng lalaki ang kanyang ulo; ang halaga ng lote at bahay na tulad ng sa ganito ay higit pa sa sampung taon na kanilang sinusweldo.








Hulyo, 1988



      Lumipas ang maraming taon. Mabilis na nagsilakihan ang kanilang mga anak. Matagal-tagal na rin nang huli silang maligaw sa pagbabakasyon doon. Noon pa kasi ibinenta sa iba ang kubong inuupahan nila dati dahil yumao na ang kamag-anak nilang nagmamay-ari nito.



      Hanggang sa palarin ang lalaki sa kanyang trabaho at kitain ang perang sa pangarap lamang nila tinanggap. Mabilis nilang naalala ang mga Sabado at Linggo na walang kasing-saya. Agad silang bumiyahe kasama ang panganay nilang arkitekto at sa tulong nito kasama pa ang inhinyera nilang dalaga naipatayo ang pangarap nilang bahay-bakasyunan sa minahal nilang tabing-ilog.


      Mas lalong gumanda sa paningin ang iniwanan nilang pook. Pinatingkad ng iba’t ibang bulaklak ang luntiang paligid na naglalandas sa malinaw pa ring tubig. Mangilan-ngilang mga puno lamang ang nadagdag sa tanawing animo’y ipininta ng Panginoon. Nakauubos ng salita sa bibig ang kabuuan ng lugar. Walang katulad.









 Marso, 1991



      Hindi nila inakalang magiging ganito muli kasaya ang kanilang tag-araw lalo pa ngayo’t isa-isa nang nilipad papalayo ng pangarap ang kanilang mga anak. Tuwing umaga’y namimingwit ang matandang lalaki bago pa yumabong ang haring araw. Nahihimbing naman ang matandang babae bago siya gisingin ng musikang likha ng mga ibon. At ipaghahanda niya ng tocino, sinangag, pandesal at gatas ng kalabaw ang minamahal na kabiyak. Isasalang ng matandang lalaki ang plaka ng paborito nilang kanta at pupwesto sila sa gilid ng ilog kung saan mainam na nakalatag ang almusal. Halos mabali ang leeg ng mga nakatatanaw sa kanila.





      Napangalanan na yata nila lahat ng mga kuneho, gansa at usang pumapasyal doon upang makiinom sa kanilang ilog. Nakilala na rin ng mag-asawa ang aleng naglalako ng mga sariwa at bagong pitas na gulay, pati na rin ang may-ari ng suki nilang merkado at maging ang pastol ng kalabaw na binibilhan nila ng kesong puti at gatas.





Agosto, 2011



      Ang pinakahihintay nilang bahagi ng buong araw ay ang dapit-hapon. Walang pagsidlan ang saya ng matandang lalaki tuwing mapapagmasdan ang paglubog ng araw. Hihinto sa paggagantsilyo ang matandang babae at daop-palad nilang panonoorin ang pagbabago ng tubig mula sa kulay-asul hanggang maging kahel, mula sa kulay-abo hanggang maging itim.





      Isang gabing hindi madalaw ng antok sa pampang ng ilog ay nakalikha ang matandang babae ng munting tula:



Ang  araw  ay  bumaba,

tulad  ng  gintong  luha

Panibagong  umaga,

Panibagong  umaga,

ang  nawala.





      Kinaumagahan ay ipinabasa niya iyon sa kaniyang kabiyak. Nalungkot ang matandang lalaki sa mensahe nito ngunit iyon daw talaga ang dahilan kung bakit ito naging maganda.  Ang hindi niya lang magustuhan ay ang katotohanang  hindi na sila maaaring manatili sa tabing ilog dahil sa lamig na hatid ng paparating na Setyembre. Mas gusto niya ang tag-araw. Hindi niya kaibigan ang mga bagyo. Ayaw niya nito kahit pa may maningning na siga sa gabi o mainit na tsokolate pampapawi ng ginaw, ginaw na makakapagpalumpo sa kaniya dahil sa matindi niyang karamdaman.






      Tuwing huling linggo ng Agosto ay iniaahon nila ang bangka at ipinipinid ang lahat ng pinto para kadenahan. Bibiyahe sila papuntang Maynila at pansamantalang titira sa bahay ng isa sa kanilang walong anak. Napapabuntong-hininga na lamang sila sa tuwing lilisan.





Pebrero, 2013



      Bago ang tagsibol at masiguro lamang nila na ang makapal na mga hamog ay nangagsiwala na, babalik sila. Buong galak na bubuksan ng matandang lalaki ang pinto at mga bintana para papasukin ang preskong hangin. At lalabas ang matandang babae upang batiin ang mga ibong animo’y mga kaibigang matagal na nawalay sa kanya.



      Ang tag-araw ng bawat taon ay tila ba mas maganda pa sa nauna. Walang kasing rikit ang bawat paglubog ng araw.





      Ngunit kakaiba ang naging takbo ng sumunod na pitong buwang bakasyon nila nung taon na iyon. Isang tanghali ay mag-isang pumanhik ang matandang babae sa tablang sahig ng bahay sa tabing-ilog. Suot ang itim na bestida'y mag-isa niyang isasara ang bakasyunan para sa papalapit na bagyo.



      Pinilit niyang bilisan ang gawain habang iwinawaksi sa isipan na ang hawak niyang likmuan ay ang paboritong tumba-tumba ng kanyang asawa. At ang nakasampay ditong balabal ay ang pangginaw na handog nito sa kaniya noong ika-animnapu’t limang anibersaryo nila sa kasal. Marahan na pinasadahan ng kulubot niyang kamay ang pamingwit at sombrerong nakalapag sa ibabaw ng lamesita. Ayaw niyang pumikit dahil parang nakikita niyang gamit pa rin ito ng buhay na buhay na matandang lalaki.



      Parang dinudurog ang kaniyang puso. Ibig-ibig na niyang sumabog anumang oras na maiisip niyang hindi na niya ito makakasama.



      Hindi pa niya kayang mag-isa. Hindi pa niya naihahanda ang sarili.



      Ayaw na niyang dumating pa ang dilim na hindi niya naaakap ang kabiyak. Sabik na siya agad na maawitan nito ng paborito nilang kundiman. Sabik na siyang sapinan nito ang kaniyang likod tuwing siya’y pagpapawisan. Hinahanap-hanap na niya agad ang araw-araw nitong panunuyo.










Disyembre, 2015



      Nilibot ng nanlalabo niyang mata ang kabuuan ng bahay. Regalo ito sa kanya ng matandang lalaki. Ito ang dahilan kung bakit siya napasagot ng asawa noong kabataan nila. Siya lamang talaga ang tunay na may ibig ng lugar na iyon. Ang ilog na saksi ng lahat-lahat ng mga pangyayari sa kaniyang buhay. Noon pa’y bawal na sa kalusugan ng matandang lalaki ang maginawan ng husto. Kung kaya nga't kambal ng bawat niyang tinatahanan ang siga pampainit ng temperatura. Dahil ito sa rayuma sa kalamnang hindi paris ng tipikal na mga rayuma. Katunayan, bukod sa hilig lang niyang pamimingwit ay hindi ito lumublob sa tubig ng ilog kailanman.








      Ngunit ito ang nagpapasaya sa matandang babae. Ang paglangoy at paglulunoy sa tubig ang kanyang kaligayahan. Hinirati siya ng kabiyak sa walang hanggang pagpaparaya. Wala na yatang kagustuhan niya ang hindi nito ipinagkaloob. At hindi naging hadlang ang pagkakaiba nila sa kanilang pagmamahalan.



         ”Kahit anong maibigan mo, mahal, sisikapin kong ibigay sa’yo.”
     "Yaman din lang nagtanong ka, gusto ko ng bahay sa tabing-ilog. Maanong bawal sa iyo? E di, maglagi ka sa loob lang at ako'y maglalangoy sa labas tuwing pahinga. Iyon ang gusto ko."



      Noon din ay bumalik s'ya sa wisyo at napansing malapit na palang mag-hapon. Sa ilang iglap lang ay dagling sumabog ang matingkad na kulay-apoy, tanawing nakapagpapatunaw sa puso ng kaniyang nasirang asawa.



      Sinubukan niya. Pero hindi niya kayang panoorin ito nang nag-iisa. Hindi habang lumuluha. Kaya agad siyang tumalikod, pumasok sa bahay, isinara ang tarangkahan at bumiyahe nang mag-isa.















    Sa susunod na Sabado ay pasasabitan niya ang bakod sa isa niyang anak ng karatulang may nakatitik na: “FOR SALE”. Marahil ay maibigan ito ng mag-asawang mahilig manood ng agaw-liwanag habang magka-akbay sa pampang ng tabing-ilog.







*WAKAS c",)*



 

2 komento:

  1. wow! masyado lang mahaba pero wow. hope you can write more

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Katamad lang po minsan kaya sana lagi nang sipagin.
      Salamat po kung nagustuhan ninyo. :))

      Burahin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...