9.5.13

haranguing your most beloved comedian




      Hindi ako die-hard fan ni Vice Ganda. Magaling s'ya at malawak ang bumibilang sa milyun-milyong fan base n'ya. Kahit sabihin na wala akong originality at minsan nagtutunog-ginaya lang sa kanya ang paraan ng pambabasag ko at mga komento, hindi ko aaminin na follower n'ya ako, o na naapektuhan ako in some ways ng mga wits at prinsipyo n'ya.

      Hindi ko sinasabing magaling ako kumpara sa katulad niyang sikat. Hindi ko sinasabing dapat bigyan ako ng kredito sa kung pano ako mag-isip, dahil kaparehas ng mga iniisip ko ang minsang mga naisip na n'ya. Hindi lang kasi tamang sabihin na sa kanya nagmula ang mga biro at jokes na hindi lang palasak na ginagamit ko kundi pati na rin ng lahat ng mga tao ngayon sa lipunan. Na pag namilosopo, ginaya na agad si Vice Ganda.



      Basta hindi ko ibinabase sa kanya ang packaging ko bilang tao sa aspeto ng katabilan. Maaaring tulad ng sa kanya ang approach sa pagbibiro ng mga tao ngayon, pero yung sabihing ginaya at i-label na s'ya ang nagsimula ng pambabakla ng tanong at sagot? Hindi dapat. Bago pa dumating ang personalidad na ito sa showbiz ay panahon pa ng mga Kastila nagkaroon ng mga lantarang-binabae sa Pilipinas. Isa s'yang bading. Pero hindi s'ya ang pinaggayahan ng pagiging bading sa bansa. Hindi ibig sabihin na dahil isa s'ya sa kakaunti lang na baklang sumikat at naka-penetrate sa telebisyon e s'ya na ang flagship pagdating sa direktang panlilibak ng kapwa na tinatawag din nating "pang-ookray".


      Naturalesa sa mga binabae ang pagiging magaling mamuna at masining sa pagbabaliktad ng insekyuridad para magkaroon ng kahinaan ang isang taong kinaiinggitan. Pero dati pa natutunan ng sangkabaklaan ang mga banat na ganito. May mga mas matalino pa sa kanya ng sampung ulit. Mas mabilis mag-isip at mas magaling pa ng sandaang ulit. Panahon na para tuluyang buksan ng media hindi lang para sa isa kundi para sa lahat na saklaw ng LGBT, na may balak itayo ang bandera ng pagiging-homosekswal, ang pagtuklas ng mga talento. S'ya na nga ang pinakasikat na komedyanteng Pilipino locally na bago naging artista e dating stand up artist muna sa comedy bars. Mapalad dahil nabigyan ng oportunidad. Pero hindi lang s'ya ang pinaka-brainy na bading na mayroon ang bansa at may karapatang sumikat. Hindi totoo ang claim na pinauso n'ya sa Pilipinas ang pa-okray na istilo ng pagpapatawa. Noon pa 'yan nagsi-circulate. Ginawa n'ya lang mas katanggap-tanggap sa telebisyon.


      Hindi naman sa hindi ako masaya sa tinatamasa n'ya. Overrated lang para sa akin. E marami pang mas magaling na bading din. Huwag lang tayo magkasya sa isa. Kasi kung sikat din lang na deserving sa pagiging role-model, pwede namang pasabog pa din ang personality pero hindi masyadong heartless. Marami naman d'yang hindi umaabot sa level na kailangan muna mambastos at sa huli ay magiging makatwiran pa din.

      Papunta na kasi sa pagiging KSP, basta makagawa lang ng ingay at makapaglahad ng komento. Magkaiba yung nagbibigay lang ng opinyon sa direktang nangmamaliit. Maganda din naman sa kanya yung hindi n'ya inaangkin ang pagiging perpekto, bagkus inilalatag pa n'ya sa mga tao ang katangiang pwedeng ikahiya. Ma-preach lang s'ya masyado lalo na pag nasa labas na s'ya ng propesyon n'ya. Malaro sa mga salita kagaya ni Papa Jack, ni Cristy Fermin, ni Laila Chickadora at Willie.. pero tulad nung apat, closed-minded din.

      Walang bearing sa reputasyon n'ya kahit ano pang kabulukang ilabas ng bibig tutal komedyante naman daw. Nakakapanira nang hindi kailangang maging responsable sa bibitawang salita dahil sa marami naman s'yang tagasunod. Kung ano na lang gustong sabihin sa oras na yun, makasakit man sa iba, ishu-sugar coat lang ng onti pero yun at yun ding pamumukol sa kahinaan ng iba ang babagtasin ng dila. Okay na yung nagsasabi ka lang ng totoo e. Kaso yung nakasentro lang sa paninira, just to get even, mema sa bawat isyu. Mema-sabi lang. Hanggang nasa kamay na n'ya ang batas. Mabilis n'yang maibaliko ang tama. Mapagmalinis. Self-absorbed. Tunay pero peke pa rin. Pilit. Hindi natural.


      Sapat na bang kilala ka sa pagiging outspoken para tuligsain ang isang politician sa isang presscon? Hindi ako supporter ni Nancy Binay kasama ng pinag-uusapang melanin count n'ya sa balat. Pero bastos pa sa matandang umatend ng kiddie party kahit hindi invited ang ginawang panggigisa na ito ni Viceral kay Binay sa public. Andun na tayo, Pilipino din s'ya. Karapatan n'yang ihayag anumang damdamin meron siya bilang botante. Pero bukod sa pagiging botante ay artista din s'yang maraming tagasunod. Sana ay kinikilala n'yang may kaakibat na responsibilidad ang lahat. Pag artista ka, pakelaman mo lang yung saklaw ng mundo mo. Kung politician ang lilibakin mo, kahit naniniwala kang nagiistate ka lang ng fact, magcomment ka bilang pangkaraniwang tao. Walang spotlight, walang microphone at camera. Wag yung sasamantalahin mong gumawa ng alingasngas dahil alam mong pakikinggan ng media anumang bibitawan mong salita. Mga press people na keber sa patutsada mo at karamiha'y hinihintay lang na magkaroon ka ng pagkakamali sa kapwa mo tao. Huwag masyadong kumpidante na matapatan lang ng camera ay susulitin mong gumawa ng ingay  kahit sa usaping di ka naman dapat kasali. Katulad mo ngayon, pinupulaan kita bilang manunood na naaalibadbaran sa napapanood n'ya.

      Ganun pa man, oo nga, at the end of the day manonood lang ako. Tao pa din ang magde-desisyon kung marami ba talagang dapat sa kanyang mahalin. Ako pa din ang magdedesisyon kung ililipat ko sa ibang channel ang TV pag hindi ko na s'ya matagalan. I'm just saying. We all boil at different degrees. And just like him, I have my own share of opinions on how I see things.




      Okay. Fine. I'm kind of a VG fan too. But just a little bit. Dahil malaki ang kaibahan ko sa kanya.

      I don't "talk shit", I just speak my mind without caring what others will say.

      Theres a difference.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...