4.4.15

"Brenda"



May dalagitang college student na tubong-Mindanao ang ginahasa ng isang baranggay tanod sa loob ng kanyang inuupahan sa Pureza. Tumakas ang suspect at di na rin n'ya inireport ito sa pulis dahil sa takot n'ya sa malaking iskandalong idudulot nito sa kanya at sa tatay n'yang nasa probinsya na may sakit sa puso. Wala silang kamag-anak sa Maynila at nagsasaka lang ang mga magulang n'ya para may maipangtustos sa kanyang matrikula.


Bago s'ya tumungtong sa 3rd year college ay nagbunga ang kahayupan ng gumahasa sa kanya at wala s'yang nagawa kundi ang huminto sa pag-aaral at ilihim iyon sa mga magulang. Tanging kita lang mula sa dalawang videoke machines na naipundar n'ya mula sa padala ng kanyang nanay at tatay ang pinagkukunan nila ng panggastos. Noong taon ding iyon ipinanganak n'ya ang sanggol na pinangalanan n'yang Aaron.


Isang taon pa ang lumipas ay ginulat s'ya ng pamilyar na mga tinig sa mismong pinto ng kanyang inuupahan. Lumuwas ang kanyang ama't ina para sorpresahin s'ya sa buwan na dapat ay kanyang graduation. Nilingon n'yang mabilis ang bintana at pinto kung san naron ang kanyang mga bisita. Nakapinid. Tarantang-taranta s'ya. Dali-dali n'yang binuhat ang tulog na si Aaron at ipinasok sa rice dispenser. Dinaganan n'ya ito ng laundry basket na puno ng labahan at tinodo n'ya ang lakas ng TV para hindi marinig ng mga ito ang iyak at sipa ng batang nasa loob ng kahon. Hinarap n'ya ang mga magulang nang mahinahon gamit ang saulado na n'yang kasinungalingan. Mukhang di naman s'ya nahalata ng kanyang nanay at tatay sa magaling n'yang kwento. Paglipas ng tatlong oras ay nagpaalam ang dalawang matanda na pupunta muna sa Quiapo upang dumalo sa kasal ng anak ng kanilang kapit-bahay sa Mindanao na sila ring nagbigay sa kanila ng libreng pamasahe pa-maynila.


Tatlong oras nasa loob ng rice dispenser si Aaron. Walang kalabog. Walang ingay. Walang iyak. Tatlong oras. Dahan-dahan n'yang binuksan ang takip ng rice dispenser. Wala na si Aaron. Ga-ilog ang iyak at atungal ng babae habang tumutugtog ang jingle ng isang patalastas sa TV..


".. basta may kyowa, ginhawa ka!"  Sa kalgitnaan ng pagnguyngoy ay natawa s'ya sa naulinigang patalastas. Malutong na tawang naging halakhak. Na naging palahaw muli. Naghalo ang uhog at luha na malayang binagtas ang kanyang leeg patungo sa suot niyang pamasyal sana nila ni Aaron sa parke mamayang hapon.


Kalunos-lunos ang kanyang itsura nang may kumatok uli sa pinto. Ang nanay at tatay n'ya na tila ay may nakalimutang dalhin sa kanilang bagahe kanina. Tuliro na ang babae. Kipkip n'ya pa rin si Aaron sa kanyang dibdib.




Pag lingon n'ya sa lamesa ay nandun ang kutsilyo.

Dilim.









Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...