14.9.13

Alibugha




Halos sampung taon na din ang nakakaraan. Sila 'yung extended family ko noong mawala sa mundo ang tatay ko. Na gumanap sa dalwang tungkulin nung isuko ng isa ang role n'ya bilang ina. Sila 'yung sinasabi ng mga tao na inabala nila ang sarili nila para palakihin ako. Dinamitan, pinag-aral at binigyan ako ng espasyong matutulugan.

Sila 'yung mga tinutukoy ng mga nagsermon sa akin, bakit ko daw sila tinalikuran? Pwede naman daw nilang abandunahin na lang kaming magkapatid, o iligaw na lang kaya noon sa gate ng dswd. Pero hindi nila ginawa. 

At ako 'yung walang utang na loob na palamunin. Ako 'yung mapagmalaki. Na umedad lang ng kaunti, ang tingin ko'y kaya ko na daw ang lahat. Ako 'yung hindi marunong magpasalamat. Ako 'yung itim na tupa. 

Malamang ako nga lahat 'yun. Hindi ko sasalangin ang anumang paratang. Totoo man o hindi. Dinagdagan man, kinulayan, binawasan. Nakakapagod nang mag-aklas lalo na pag bingi ang pamahalaan. Tama na 'yun, ginawa ko ang iniisip kong makakabuti para sa akin, wala akong dapat sisihin.

Sa naging sitwasyon ko, alam kong hindi ako susuportahan ng mga magbabasa nito. Hindi ako maiintindihan maliban na lang kung kagaya ng sa akin ang dinanas nila. Madaling manghusga at maging righteous. "Dapat ganito ang ginawa mo! Sana ganito. Mali ka." Bullshit! Maiintindihan n'yo ako kung nangudngod na kayo sa identity ng pagiging sampid.

Pilit kong iwinawaksi noon sa isip ko na kaming magkapatid ang "sabit" tuwing kuhaan ng picture. Na mas madalas kami ang photographers dahil mga set sila ng buong pamilya. Kami 'yung ipapangpuno sa frame kapag feeling nila nahahalata namin na out of place na kami. At pag may sumbatan portion, ipapaalala nila sa'yo 'yon kapag na-sense nilang kinakalimutan mo ang pagiging sampid mo.

Siguro naging mapag-imbot ako. Iyon. Aaminin ko 'yun. Dahil pag nag-mature tayo, maa-appreciate natin ang maliliit at malaking bagay na idinulot nila sa atin. At ang hardships na kapalit noon ay hindi ko isinisisi sa kanila. Dahil sa simula pa lang ay may choice akong pinili.

Ang lahat sa 'tin, dumadaan sa punto ng buhay na kailangang may gawin tayong desisyon na makakapagpa-liberate sa atin. Kailangan nating ipagtanggol ang kahit anong maliit na natitira sa pagkatao natin. Pumalag kahit minsan sa mga maling turing.

Kung sisikilin nila ang isang bahagi ng pagkatao ko, hindi nila ako binabayaang mag-exist. Hindi ako nagiging ako. So kung anuman 'yung bahagi na iyon, masasabi kong ito na ang pinaka-tamang nagawa ko sa sarili ko. 

Ang manindigan. Walang ibang maninindigan para sa akin. Hindi manghihimasok ang ibang mga naaawa kong kamag-anak. Hindi ako ipagtatanggol ng nag-iisang kapatid ko na umaasa din sa kanila. Inilaglag at pinasama pa akong lalo ng nanay ko na umiwan sa amin ng lagpas 12 taon, para lang makapaghugas-kamay sa nagawa n'ya. Wala akong bagay na masasabi kong akin.

Kung may bagay akong pinagsisisihan ay 'yung hindi sa kanila makapag-pasalamat. Na sa kabila ng lahat, bahagi sila ng kung ano ako. Sila ang nagtaguyod ng pundasyon ko. Kaya kung gano ako katapang ngayon, sila ang nagbigay nun. Pero still, kung ayaw mo sa government, tikal ka na lang. Magiging mahirap ang daan na 'yun, malubak. Pero hindi naman nawawala ang Panginoon.



Sa paglipas ng panahon, kahit gano kaimportante ang mga ginampanan nila sa buhay mo, kapag matagal mong itinago o hindi tinignan ang mga larawang kasama sila --bigla silang nagiging ESTRANGHERO. Piliin lang ang mga litratong gusto mong palayain at panatilihin sa iyong gunita. Matutong MAGPAHALAGA. At huwag matakot KUMAWALA.











Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...