Abril, 1941
Nasa high shool pa lamang sila nang unang matagpuan ang pook na iyon.
Sadyang mahal ng babae ang tubig. Ang simoy ng hanging pumapalibot dito.
At ang magandang tanawin na sa litrato lamang nila kayang angkinin.
Kung ang mga taga-rito’y nagkakasya na lamang sa paghinga ng malalim sa tuwing mamalasin ang hangganan ng ilog, sila nama’y ibig kulungin ang oras habang sinasaid ang bawat sandali ng pananakop sa kagandahan nito.
Katatapos ng klase nila noon sa eskwela, at sa tabi ng puno dito unang
hinarap ng binata ang katapangang magtapat ng nararamdaman sa matalik
niyang kaibigang-babae.
Nobyembre, 1946
Marunong ang Diyos. Kasabay ng mabilis na paglipas ng mga buwan,
mas lalo pa nilang minamahal ang isa’t isa sa bawat araw na nagdaraan.
LALO’T HIGIT, MINAHAL NILA ANG KANILANG MGA PAGKAKAIBA.
Karampot lamang ang perang inabot ng mga isponsor sa kanilang kasal. Sapat pampanimula at pamasyal sa tabing-ilog tuwing katapusan ng linggo. Pinayagan sila ng isang kamag-anak na rentahan ang isang kubong may isa o dalawang kilometro ang layo mula sa minamahal nilang tubig.
Alanganin ang oras sa pagtatrabaho ng lalaki sa pagkakarpintero, kaya
kadalasang di sila makabyahe papunta sa ilog hanggang madaling araw ng
Sabado. Ngunit sa tuwing matumal ang pamamasyal ng mga lamok, mas ibig
nilang maglunoy sa tubig sa liwanag ng buwan. Kinakanta ang mga pamosong
awitin ng kanilang panahon at isinasandal ang mga likod sa gilid ng
punong santol. Ipinipikit ang mga matang animo’y idinuduyan ng
panaginip. Magkasalong tinutungga ang isang boteng alak habang
inilililok sa kalawakan ang kanilang mga pangarap.
Mayo, 1949
Tag-araw noon nang ipamana sa kanila ng tatang ng babae ang bangkang
de-motor na napaglumaan nito sa pangangawil. Lilibutin nila ang buong
ilog at iisa-isahin ng kanilang mga mata ang mga bahay sa gilid.
Nangangarap kung ano kayang pakiramdam ng magtirik ng permanenteng
bakasyunan sa tabing-ilog. At ipipiling lang ng lalaki ang kanyang ulo;
ang halaga ng lote at bahay na tulad ng sa ganito ay higit pa sa sampung
taon na kanilang sinusweldo.
Hulyo, 1988
Lumipas ang maraming taon. Mabilis na nagsilakihan ang kanilang mga
anak. Matagal-tagal na rin nang huli silang maligaw sa pagbabakasyon
doon. Noon pa kasi ibinenta sa iba ang kubong inuupahan nila dati dahil
yumao na ang kamag-anak nilang nagmamay-ari nito.
Hanggang sa palarin ang lalaki sa kanyang trabaho at kitain ang perang
sa pangarap lamang nila tinanggap. Mabilis nilang naalala ang mga Sabado
at Linggo na walang kasing-saya. Agad silang bumiyahe kasama ang
panganay nilang arkitekto at sa tulong nito kasama pa ang inhinyera
nilang dalaga naipatayo ang pangarap nilang bahay-bakasyunan sa minahal
nilang tabing-ilog.
Mas lalong gumanda sa paningin ang iniwanan nilang pook. Pinatingkad ng iba’t ibang bulaklak ang luntiang paligid na naglalandas sa malinaw pa ring tubig. Mangilan-ngilang mga puno lamang ang nadagdag sa tanawing animo’y ipininta ng Panginoon. Nakauubos ng salita sa bibig ang kabuuan ng lugar. Walang katulad.
Marso, 1991
Hindi nila inakalang magiging ganito muli kasaya ang kanilang tag-araw
lalo pa ngayo’t isa-isa nang nilipad papalayo ng pangarap ang kanilang
mga anak. Tuwing umaga’y namimingwit ang matandang lalaki bago pa
yumabong ang haring araw. Nahihimbing naman ang matandang babae bago
siya gisingin ng musikang likha ng mga ibon. At ipaghahanda niya ng
tocino, sinangag, pandesal at gatas ng kalabaw ang minamahal na kabiyak.
Isasalang ng matandang lalaki ang plaka ng paborito nilang kanta at
pupwesto sila sa gilid ng ilog kung saan mainam na nakalatag ang
almusal. Halos mabali ang leeg ng mga nakatatanaw sa kanila.
Napangalanan na yata nila lahat ng mga kuneho, gansa at usang pumapasyal
doon upang makiinom sa kanilang ilog. Nakilala na rin ng mag-asawa ang
aleng naglalako ng mga sariwa at bagong pitas na gulay, pati na rin ang
may-ari ng suki nilang merkado at maging ang pastol ng kalabaw na
binibilhan nila ng kesong puti at gatas.
Agosto, 2011
Ang
pinakahihintay nilang bahagi ng buong araw ay ang dapit-hapon. Walang
pagsidlan ang saya ng matandang lalaki tuwing mapapagmasdan ang paglubog
ng araw. Hihinto sa paggagantsilyo ang matandang babae at daop-palad
nilang panonoorin ang pagbabago ng tubig mula sa kulay-asul hanggang
maging kahel, mula sa kulay-abo hanggang maging itim.
Isang gabing hindi madalaw ng antok sa pampang ng ilog ay nakalikha ang matandang babae ng munting tula:
Ang araw ay bumaba,
tulad ng gintong luha
Panibagong umaga,
Panibagong umaga,
ang nawala.
Kinaumagahan ay ipinabasa niya iyon sa kaniyang kabiyak. Nalungkot ang
matandang lalaki sa mensahe nito ngunit iyon daw talaga ang dahilan kung
bakit ito naging maganda. Ang hindi niya lang magustuhan ay ang
katotohanang hindi na sila maaaring manatili sa tabing ilog dahil sa
lamig na hatid ng paparating na Setyembre. Mas gusto niya ang tag-araw.
Hindi niya kaibigan ang mga bagyo. Ayaw niya nito kahit pa may
maningning na siga sa gabi o mainit na tsokolate pampapawi ng ginaw,
ginaw na makakapagpalumpo sa kaniya dahil sa matindi niyang karamdaman.
Tuwing huling linggo ng Agosto ay iniaahon nila ang bangka at ipinipinid ang lahat ng pinto para kadenahan. Bibiyahe sila papuntang Maynila at pansamantalang titira sa bahay ng isa sa kanilang walong anak. Napapabuntong-hininga na lamang sila sa tuwing lilisan.
Pebrero, 2013
Bago ang tagsibol at masiguro lamang nila na ang makapal na mga hamog ay
nangagsiwala na, babalik sila. Buong galak na bubuksan ng matandang
lalaki ang pinto at mga bintana para papasukin ang preskong hangin. At
lalabas ang matandang babae upang batiin ang mga ibong animo’y mga
kaibigang matagal na nawalay sa kanya.
Ang tag-araw ng bawat taon ay tila ba mas maganda pa sa nauna. Walang kasing rikit ang bawat paglubog ng araw.
Ngunit kakaiba
ang naging takbo ng sumunod na pitong buwang bakasyon nila nung taon na
iyon. Isang tanghali ay mag-isang pumanhik ang matandang babae sa
tablang sahig ng bahay sa tabing-ilog. Suot ang itim na bestida'y
mag-isa niyang isasara ang bakasyunan para sa papalapit na bagyo.
Pinilit niyang bilisan ang gawain habang iwinawaksi sa isipan na ang
hawak niyang likmuan ay ang paboritong tumba-tumba ng kanyang asawa. At
ang nakasampay ditong balabal ay ang pangginaw na handog nito sa kaniya
noong ika-animnapu’t limang anibersaryo nila sa kasal. Marahan na
pinasadahan ng kulubot niyang kamay ang pamingwit at sombrerong
nakalapag sa ibabaw ng lamesita. Ayaw niyang pumikit dahil parang
nakikita niyang gamit pa rin ito ng buhay na buhay na matandang lalaki.
Parang dinudurog ang kaniyang puso. Ibig-ibig na niyang sumabog anumang
oras na maiisip niyang hindi na niya ito makakasama.
Hindi pa niya kayang mag-isa. Hindi pa niya naihahanda ang sarili.
Ayaw na niyang dumating pa ang dilim na hindi niya naaakap ang kabiyak. Sabik
na siya agad na maawitan nito ng paborito nilang kundiman. Sabik na
siyang sapinan nito ang kaniyang likod tuwing siya’y pagpapawisan.
Hinahanap-hanap na niya agad ang araw-araw nitong panunuyo.
Disyembre, 2015
Nilibot ng nanlalabo niyang mata ang kabuuan ng bahay. Regalo ito sa
kanya ng matandang lalaki. Ito ang dahilan kung bakit siya napasagot ng
asawa noong kabataan nila. Siya lamang talaga ang tunay na may ibig ng
lugar na iyon. Ang ilog na saksi ng lahat-lahat ng mga pangyayari sa
kaniyang buhay. Noon pa’y bawal na sa kalusugan ng matandang lalaki ang
maginawan ng husto. Kung kaya nga't kambal ng bawat niyang tinatahanan
ang siga pampainit ng temperatura. Dahil ito sa rayuma sa kalamnang
hindi paris ng tipikal na mga rayuma. Katunayan, bukod sa hilig lang
niyang pamimingwit ay hindi ito lumublob sa tubig ng ilog kailanman.
Ngunit ito ang nagpapasaya sa matandang babae. Ang paglangoy at paglulunoy sa tubig ang kanyang kaligayahan. Hinirati siya ng kabiyak sa walang hanggang pagpaparaya. Wala na yatang kagustuhan niya ang hindi nito ipinagkaloob. At hindi naging hadlang ang pagkakaiba nila sa kanilang pagmamahalan.
”Kahit anong maibigan mo, mahal, sisikapin kong ibigay sa’yo.”
"Yaman din lang nagtanong ka, gusto ko ng bahay sa tabing-ilog. Maanong bawal sa iyo? E di, maglagi ka sa loob lang at ako'y maglalangoy sa labas tuwing pahinga. Iyon ang gusto ko."
"Yaman din lang nagtanong ka, gusto ko ng bahay sa tabing-ilog. Maanong bawal sa iyo? E di, maglagi ka sa loob lang at ako'y maglalangoy sa labas tuwing pahinga. Iyon ang gusto ko."
Noon din ay bumalik s'ya sa wisyo at napansing malapit na palang
mag-hapon. Sa ilang iglap lang ay dagling sumabog ang matingkad na
kulay-apoy, tanawing nakapagpapatunaw sa puso ng kaniyang nasirang
asawa.
Sinubukan niya. Pero hindi niya kayang panoorin ito nang nag-iisa. Hindi
habang lumuluha. Kaya agad siyang tumalikod, pumasok sa bahay, isinara
ang tarangkahan at bumiyahe nang mag-isa.
Sa susunod na Sabado ay pasasabitan niya ang bakod sa isa niyang anak ng
karatulang may nakatitik na: “FOR SALE”. Marahil ay maibigan ito ng
mag-asawang mahilig manood ng agaw-liwanag habang magka-akbay sa pampang
ng tabing-ilog.