Ayon sa tala, 89% ng mga kriminal, may failed marriages,
drug-dependents, ex-cons, at mga convicted worldwide ay physically or emotionally
hiwalay sa isang ama. Maaaring walang kinalakhan, iniwan, maagang namatayan,
walang matinong relasyon o di kaya ay nailipat sa pangangalaga ng isang hindi
tunay na kadugo at kasundo.
Kasalanan bang lahat ang pagkaligaw na ito ni Tatay? Hindi. Pero importante s'ya. Maaari, pero hindi laging sapat --na nanay lang ang kagigisnan n'ya. Karaniwang si Nanay ang kuhaan natin ng inspirasyon pagdating sa paglalambing, kalinangan, at pagkalinga. Ngunit mas ideal pa din na lumaki ang isang bata na hinulma sa dignidad, prinsipyo at disiplina na karaniwang hatid ni Erpats. Sa mga anak na lalaki, sila ang idolo at kasangga. Sa mga anak naman na babae, ang pagkatao nila ang halimbawa at basehan na dapat na taglayin ng lalaking mapapangasawa.
Kung single-parent ang isang babae, kahit buong mundo pang pagmamahal ang ilaan ng isang ina sa kanyang anak ay iba pa din kung may kinalakhan ang mga ito na solidong nanay at tatay. Dahil dito ay buo siya. Hinding-hindi s'ya makukulangan ng lakas sa tuwing mapapagal at hinding-hindi din s'ya lilisya sa mga pangaral ng mga ito. Mga magulang na pagbabatayan niya ng pagkalinga at disiplina na kailangan sa paglaki.
Alam
ito ng mga kaibigan ko at ng lahat nang nakakakilala sa akin: Mas maki-tatay
ako kaysa maki-nanay. Kahit sino naman atang may malapit na relasyon sa kanyang
ama ay aariing tatay nila ang pinaka-da best na tatay sa buong mundo.
Si
Felomino Calano Francisco. Tubong Paracale, Camarines Norte at pangalawa
sa walong
magkakapatid. Naging single-father nang halos pitong taon din at kahit
sa unang
syam na taon lang ng buhay ko s’ya nakasama ay hinding-hindi maookupa ng
kahit
na sino ang bakanteng upuan na iniwan n’ya sa aming hapag-kainan.
Malaking bahagi din ng pagkatao ko ang nawala nung nawala s'ya sa amin.
May 29, 1999. Brain tumor is
the murdering scoundrel, advanced stage.
Tatay
ko na ata ang pinakamalapit na personipikasyon ng salitang ‘papable’. Makisig. Masipag.
Palaging mabango. Maporma. Matalino. Talentado. Madiskarte. Mapagmahal. Dako. Haha.
Fine. Hindi ko man na-chekan ang halos lahat ng tick boxes ng magagandang
katangiang pwedeng makuha ko sa kanya ay proud pa din ako bilang anak na number one fan n’ya.
Maraming
nagsasabi na may-sulyap s’ya sa aktor na si Lloyd Samartino noong nabubuhay pa
s’ya. Maporma sa edad na 40, kala mo late 20’s lang. Marunong magdala ng damit
at alam n’ya ang bagay sa kanyang pabango. Yun tipong hindi na kailangang
manligaw dahil titihaya na sa kanya agad ang babae sa pakindat-kindat lang.
Panty-dropper, sabi nga. Pag umatungal na sa malapit ang instrumental ng
paborito n’yang Green Green Grass of Home
ni Tom Jones, mahuhulaan mo na kung kaninong kumpare n’ya s’ya nag-iinom. Kasi
hinding-hindi n’ya pinahihiram ang mikropono pag yun na ang kanta. Kakanta ng tigsasampu
ang lahat pero s’ya, ok na s’ya sa isang yun. Dinig na dinig ang piping-sigaw
ng mga humahanga sa kanya mapa-babae o mapa-kapwa lalaki. Kung buhay lang s’ya
at kailangan kong gamitin ang call a
friend lifeline ko, s’ya yung
confident akong makakatulong sa akin. Nakakalungkot lang na napaka-bata pa n’ya
noon, napaka-aga pa para pagpaalaman n’ya kami.
Maikli lang
ang panahon ng pagsasama namin pero yung pag-aalaga ng ama at ina na ipinaranas
n’ya sa amin ay hindi na maaalis sa puso’t isipan naming magkapatid. Saksi ang
umaalog-alog naming tirahan noon sa Countryside kung paanong binagyo kami at
dinelubyo, ay parang inahing sinasagip n’ya kami at pinatutuyuan isa-isa masiguro
lang na wala sa aming magkakasakit.
Pintor. Kako
pintor at alagad ng sining na nage-exhibit sa gallery na nasa bandang Makati.
Sa ganyang propesyon ko s’ya ipinakilala sa mga kaklase ko noong elementary
ako. Pero pintor talaga s’ya ng mga bahay, ng mga tulay at gusali at sasakyan.
Sumalangit-nawa, pero s’ya pa yata ang nagturo sa akin na ganun daw ang sabihin
ko na trabaho n’ya. Hindi para makapaghambog pero para makapantrip lang ng mga
kaklase ko na mabilis maniwala. Hindi ko kinakahiya ang trabaho n’ya. Sobrang
proud ako at hinahangaan s’ya. S’ya ang unang nagturo sa akin ng teknik kung
paano magiging mabangis na dinosaur ang drawing ko na hawig kay Barney. Ang paglalamay
n’yang dumalwa at tumatlong straight shift OT’s sa trabaho ang bumuhay sa amin,
nagdamit at nagsubo ng kanin sa bibig. Sa sobrang subsob sa planta n’ya din
nakuha ang tumor n’ya. Hindi pa uso dati ang non-toxic materials sa trabaho
nila. Good Morning towel lang na ipinalibot sa mga ilong ang sandata nila para
huwag silang makalanghap ng delikadong fumes. No wonder kabisado naming magkapatid
ang natural scent ng katawan ni Papa pag umuuwi itong galing sa “exhibit”.
Pinaghalu-halong amoy ng pintura, barnis at pawis.
Hindi s’ya
masyadong partikular sa istilo ng good-parenting. Turo pa nga n’ya pag may
bumubully daw sa’kin e sapakin ko daw agad sa sikmura at sa mata para alam ng
mga kupal na pumapalag ako. Sinabi n’ya yun dahil alam n’yang di ako ganung
klaseng bata. Minsan parang ibinubulid kaming magkapatid na gumawa ng
katarantaduhan pero ang totoo napakalaki lang talaga ng tiwala n’ya na hindi namin
kailangan ng ganung klaseng payo. Alam n’yang hindi namin s’ya aabalahin na mag-undertime
sa planta para makipag-usap lang at mangatwiran sa guidance counselor ng school
namin.
May
paluan
portion din naman kaming mag-aama. Hindi yun mawawala at katunayan pa
nga
binibilangan namin ni Kuya kung ilang beses kami nakakatanggap ng
“pabuya” sa
isang buwan. Mas madalas ang sinturon. Kaugnay ng sinturon ang mga
kasalanang
gaya ng pagtulog na hindi nagdarasal, pagkalimot magsaing tuwing hapunan
at pangangatwiran sa isang senseless na katwiran. Yung ulong bakal ang
lalatay sa hita ni kuya,
yung mismong balat lang na part ng belt ang lalatay sa akin. Don’t get
me
wrong, beginner’s level pa lang yan. Meron pang Advance Level. Ito yung
tipo ng
mga kasalanang may kinalaman sa pangungupit, pagsisinungaling at
pagsasakitan
naming magkapatid. Sungkaan. Yan yung Advance Level. Sa akin yung
palapad na
part ng sungkaan, kay Kuya naman yung patagilid na mas masakit na hataw
ng
sungkaan. Kaya ngayon maiintindihan ko kung sasabihin sa akin ng kapatid
kong
malaki ang hinanakit n’ya sa akin nung kabataan namin.
Pero
pagkatapos naman noon ayos na ang lahat, ayos na kami pag nagtanong na s’ya ng
bagay na gusto naming ipabili. Mas madalas, food trip. Bugbugan muna, tas food
trip. Yun ang pang-amo n’ya sa amin. Midnight snack sa palabukan at gotohan sa
kanto, malling pag umaga o di kaya’y simpleng sitsiryang Nova lang habang nanunood ng TV. Sabat ng mga usyusero naming kapit-bahay,
ba’t hindi namin ipa-bantay bata si Papa? Nakikita kase nila ang mga latay namin
noon sa hita. Sa isip-isip ko, walang alam ang mga taong ito, may ganong
moments oo pero mapalad pa din kami sa kanila ng sampung ulit. Hindi kami
pinagpalit ni Papa kahit kailan. Basta gasinong malungkot o masaya o malala o
masakit o pangit na pagkakataon, laging lahat ng ginagawa ni Papa ay para sa
amin.
Lagi n’yang
pinapaalala sa amin na mag-loosen up daw kami. Alam n’yang mahilig akong magsulat,
huwag daw akong maging tipikal na nerd writer pagtanda, na puro kabutihan muna
ang gagawin, aral-sulat-bahay-library-sulat lang buong pagkabata tas paglaki
laman naman ng mga pot sessions, ng kabaret at kulungan. Natatandaan ko nung
grade 2 ako, yun na yata ang pinaka-gagong nagawa ko in my entire youth. Kung
hindi ako nagkakamali first time ko yatang ikukuwento ito pagkalipas ng halos
15 years. Nakatuwaan kong magpuslit ng tig-isang mahabang polo candy (yung may
butas sa gitna at ipinipito) at tutti frutti sa bulsa ko. Lutang ang isip ko
noon, naisip ko, siguro masaya, kase nakaka-thrill. Wala lang, kinuha ko dahil
gusto ko. Hindi dahil sa may umudyok sa akin o dahil sinusunod ko lang ang
golden rule ni Papa. Alam naman siguro ng mga mapagmalinis dito na sa buhay, we
all have our own shares of lunacy.
So
may matanglawin
nga sa supermarket na iyon, (sila yung mga akala mo nagkataun lang na
sunod ng sunod sa kinaroroonan mo, nagpapanggap na namimili din, ayun
pala ay kung hindi ikaw ay may malapit sa iyong namimili na tinitiktikan
din n'ya) mabangis pa sa mga cctv na uso nowadays. Nahuli ako
s’yempre, dinampot at dahil menor de edad ako, pinagmulta lang nung
officer
yung bitch ni Papa na s’yang kasama ko sa paggugrocery noong araw na yun. That was my first taste of a Lindsay
Lohan-feel of being arrested and getting a mugshot. It was cool. I’ve something
to remember. Kinunan ka ng litrato hawak ang dalawang kendi na hindi mo naman
talaga gusto, na obvious namang hindi nila yun ipapadevelop at ang silbi lang
ay ang maguilty ako slash ma-trauma.
Mabilis kumalat ang pasabog-chismis na yun ng
taon sa neighborhood at tumanggap ako sa lahat ng kaibigan ko pati kay Kuya ng
titig na nanunuya at nanghuhusga. Isang nagtatrabahong stocker ata sa
supermarket na iyon ang kapit-bahay namin. Baka wala sa diksyunaryo n’ya ang mga
salitang confidential at privacy kaya since walang adult ang
masipag noon gumawa ng kabalbalan ay akong bata na lang ang ichinismis n’ya. “Yung
perpektong anak nung single-father d’yan sa kabilang bahay ay isang magnanakaw!”
Magnanakaw. Mahina ang tolerance ko sa pain dahil walong taong gulang pa lang
ata ko nun, hindi ko alam ang iisipin ko dahil tiim-bagang at nanlilisik ang
mga mata ng tao sa akin na akala mo’y isa akong mangkukulam. Kulang na lang ipasunog
ako sa plaza. Lalong takot ako pag nalaman na ni Papa. Sabi ko dati, malamang
edge ng sungkaan ang lalapat sa puwitan ko that time.
Ready na ko sa dramahan, sa sumbatan at iyakan.
Alam ko na kung saan ako kunwari tatakbo pag hinarang ako sa side na ito ng
bahay namin, well-rehearsed na ang pagsusumamo at blockings. Pero wala. Noong
gabing naging shaky ang relationship nila nung bitch e nilaglag ako nito dahil
nakakahiya daw ang ginawa ko. Nagkibit-balikat lang si Father-dear at sinabi n’yang
alam na n’ya ang lahat at wala daw akong kinalaman sa away nila. Blurry na yung
sunod na mga nangyari. Basta natatandaan ko lang that night ay may alsa-alsa-balutang
drama ang girlfriend na iyon ni Papa at bigla na lang s’ya na ang bida, hindi
na ako. Sa pagitan ng usok, ng mga bote ng alak at ng pupungas-pungas kong mata
ay ginising ako ng isang marahan na halik sa pisngi. Malabo pero kamukha n’ya
yung superhero sa naputol kong panaginip noong madaling araw din na iyon.
Mahal na mahal daw n’ya ako. At mahal na mahal n’ya daw kaming dalawa ni Kuya.
--"See you soon, Papa. I miss you."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento