Magkakaiba ang dynamics ng mga tao, at
hindi lahat ay may bukas na pag-iisip pagdating sa homosekswalidad. Laganap na
ang kabadingan ngunit hindi pa rin lahat ng Pinoy, tanggap ito. Tinotolerate,
oo, pero hindi tanggap.
Palasak na sa diary ng mga badet na karaniwang haligi ng
tahanan ang mas madalas na kontrapelo sa buhay ng isang Kim Chiu. Hinding-hindi
titikal ang hinliliit ni Lilybeth sa kamay tuwing nasa abot pa ng tanaw si
Itay. Makakapag-ladlad lang ng kapa si Batgirl sa oras na sumakabilang-buhay o
sumakabilang-bahay si Pudang na strong. May inang magiliw at naaaliw sa mga bading,
dahil siguro halos bading din ang barkada nito noong kadalagahan niya. Pero
magkamatayan na, mayroong ii-Inday Barretto n'ya talaga sakaling isa sa mga anak niyang lalaki
ay maging beki sa hinaharap. Kinaaaliwan pero subconsciously hinuhusgahan.
Babuy. Imoral. Nakakapandiri. Sa ibang lugar pa nga, binubugbog hangga't hindi
nagkukulay-talong ang buong katawan.
Maraming
makaka-identify dito, pero simula't sapul na mga bata pa, walang guilt kung
bading ang sasalo ng tukso at lait ng lahat. Naturingang itinuturo sa school
ang masamang epekto ng bullying, pero minsan guro pa mismo sa klase ang
pasimuno ng pambubuska. Ito ang stage na dinidiscover n'ya ang kaibahan n'ya.
Ito yung puntong wala pa s'yang muwang at gusto n'ya icelebrate ang pagiging
paruparo n'ya.
Pero hindi pwede
dahil maraming may-ayaw. Ayaw s'yang pagilingin ng over the top pag may sayawan
dahil masyadong magaslaw at nakakahiyang malaman ng tao na kamag-anak nila ito.
Ayaw s'ya pakantahin with stand out performance dahil dadagundong ang diva
rendition ng isang simpleng kanta at mahahalatang sintunado ang katabi n’ya.
Ito yung panahon na kailangan n'ya ng pagtanggap. Kailangan n'ya ng direksyon
at pangarap. Ano s'ya paglaki? Gaano s'ya kadisiplinado at kagaling? Gano
kalawak ang pangarap na kaya n'yang tuparin? Gano s'ya kaepektibo? Hindi pa man
napapatunayan ang sarili n'ya, sinusuko na s'ya ng mga mahal n'ya sa buhay.
Pano mo
paninindigan ang sarili mo kung mismong mga mahal mo ay hindi ka kayang
panindigan? Mahalaga ang unang reaksyon ng pamilya sa oryentasyon ng isang
batang bading o tomboy. Ito ang magtatakda ng lawak ng mundo na pwede lang
nilang lakaran sa pag-edad nila. Kahit hindi sila tanggap ng lipunan basta
isandaang porsyento silang suportado ng kapamilya, higit pa sa sapat ang
pundasyon nila kung paano sila lalaban sa buhay. Hangga't hindi nawawala ang
pag-i-istereotype ng lipunan sa mga kagaya nila ay hindi sila magkakaruon ng
tamang gabay kung paano sila makikipagsabayan sa mundo.
Sabi nga nila, kilala
tayo ng mahal natin sa buhay partikular na ng mga magulang natin. Kahit hindi
tayo sa kanila officially mag-out. Hindi tanga ang mga yan na kaya nating
paglihiman sa kung ano tayo. Sanggol pa lang, doon pa lang sa kung pano natin
hinahawakan ang tsupon ng gatas, may ideya na sila kung ano tayo paglaki. Ayaw
lang nilang pag-usapan pa. Dahil siguro masyado pang maaga, hindi pa sila
handa. Isasantabi muna hanggang sa ang pagkikibit-balikat ay maging pagkasuklam
na. Sa oras na yung bata na ang maging handa para sa sarili n'ya, buo na ang
loob ng mga kapamilya para turuan s'yang kasuklaman o ikahiya ang kung ano
s'ya.
Hindi ba't ang
buhay ng tao ay tungkol sa pagmamahal? Iyan ang pinaka-importanteng regalo sa
atin ng Panginoon. Dahil Siya mismo ay pagmamahal. Hindi lang para mabuhay ng
tipikal sa paraang katanggap-tanggap ng iba. Hindi lang para maisilang, matuto,
at maghanap ng magiging kabiyak na makakasama sa pagtanda. Ang mga kwento ng
pag-ibig ay hindi palaging tungkol lang sa nagkakatuluyang nagmamahalan. Minsan
tungkol din ito sa walang katapusang paghahanap ng mamahalin, paulit-ulit,
balik sa umpisa pagkatapos madapa. Hanggang sa huli ay madiskubre mong ang
learnings at pait pala na naidulot ng mga pinagsama-sama mong minahal ang
kabuuan ng sarili mong love story. Maaaring hindi tayo nakalaan para makahanap
ng makakatuluyan sa huli. Baka ang buhay natin ay itinakda para magmahal lang
ng tao. Magbigay. Magparanas sa kanila ng tunay na pagmamahal.
Marahil kung noon
pa naging bukas ang pag-iisp ng lipunan sa mga miyembro ng third sex, baka
naipanuto ang buhay ng mga napariwara. Baka hindi nawasak ang maraming pamilya.
Baka hindi kinailangang wakasan ng mga malulungkot ang buhay nila.
Nakakapagod magtago
sa closet. Nakakasulasok. Nanggaling na ako doon at hinding-hindi na babalik
pa. Nakakalungkot na kailangang pamiliin nila ako kung alin sa pagiging malaya
o sa pagmamahal nila ang dapat kong itira sa buhay ko. Hindi ko pinagsisihan
kahit katiting ang naging desisyon ko. Hinding-hindi mawawala ang pagmamahal ko
sa kanila pero hindi ko gustong makapanakit ako ng ibang tao pagdating ng
panahon. Mas lalong ayaw kong saktan ang sarili ko. Sabagay, sobra-sobra na ang
dinanas ko. Kung susukuan nila ako at hindi nila ako tatanggapin, sinong gagawa
noon para sa akin?
Sana itigil na ng mga ignorante ang pagtutulad
ng homosekswalidad sa pedopilya. Kung may issue ka sa tangkang pang-aabuso nung
bata ka, humingi ka ng propesyonal na tulong. Di yung pinuproject mo ang galit
mo sa iba. Kase hindi iyon babala sa bintang na hindi pa ginagawa. Galit iyon. Magkaiba
ang malasakit sa galit. At lalo't higit, huwag iuri ang kabaklaan o katomboyan
na kapantay ng sa kriminal at kasamaan. Huwag kulayan ng madungis ang payak na
pagsasabi lang ng totoo kung ano ka, dahil kung tutuusin hindi naman na dapat
tatakan o lagyan pa ng label ang bawat pagkatao. Na ano, may good-bad-expired
meats? May class A, class B at class C? Na pag kabilang sa class C (which is
the representation of third sex) ay may factory defect na hindi pang-import
dahil dispalinghado?
Tao lahat yan.
Walang higit at kapos. Lalaki. Babae. Mga lalaking nagmamahal ng babae, mga
lalaking nagmamahal ng kapwa-lalaki at babaeng umiibig sa kapwa-babae. Parang
xy, xx at yy. Katulad kung panong di na dapat ispecify sa drayber kung Black,
White, Asian, Muslim o Vegetarian ang isang nagbabayad lang ng pamasahe.
Itratong kasing normal ng isa ang lahat gaya ng batang babae na mahilig sa dirty
old men. Anong masama kung wala namang tinatapakan at nagmamahal lang?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento