Ipinapakita ang mga post na may etiketa na letting go. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na letting go. Ipakita ang lahat ng mga post

14.9.13

Alibugha




Halos sampung taon na din ang nakakaraan. Sila 'yung extended family ko noong mawala sa mundo ang tatay ko. Na gumanap sa dalwang tungkulin nung isuko ng isa ang role n'ya bilang ina. Sila 'yung sinasabi ng mga tao na inabala nila ang sarili nila para palakihin ako. Dinamitan, pinag-aral at binigyan ako ng espasyong matutulugan.

Sila 'yung mga tinutukoy ng mga nagsermon sa akin, bakit ko daw sila tinalikuran? Pwede naman daw nilang abandunahin na lang kaming magkapatid, o iligaw na lang kaya noon sa gate ng dswd. Pero hindi nila ginawa. 

At ako 'yung walang utang na loob na palamunin. Ako 'yung mapagmalaki. Na umedad lang ng kaunti, ang tingin ko'y kaya ko na daw ang lahat. Ako 'yung hindi marunong magpasalamat. Ako 'yung itim na tupa. 

Malamang ako nga lahat 'yun. Hindi ko sasalangin ang anumang paratang. Totoo man o hindi. Dinagdagan man, kinulayan, binawasan. Nakakapagod nang mag-aklas lalo na pag bingi ang pamahalaan. Tama na 'yun, ginawa ko ang iniisip kong makakabuti para sa akin, wala akong dapat sisihin.

Sa naging sitwasyon ko, alam kong hindi ako susuportahan ng mga magbabasa nito. Hindi ako maiintindihan maliban na lang kung kagaya ng sa akin ang dinanas nila. Madaling manghusga at maging righteous. "Dapat ganito ang ginawa mo! Sana ganito. Mali ka." Bullshit! Maiintindihan n'yo ako kung nangudngod na kayo sa identity ng pagiging sampid.

Pilit kong iwinawaksi noon sa isip ko na kaming magkapatid ang "sabit" tuwing kuhaan ng picture. Na mas madalas kami ang photographers dahil mga set sila ng buong pamilya. Kami 'yung ipapangpuno sa frame kapag feeling nila nahahalata namin na out of place na kami. At pag may sumbatan portion, ipapaalala nila sa'yo 'yon kapag na-sense nilang kinakalimutan mo ang pagiging sampid mo.

Siguro naging mapag-imbot ako. Iyon. Aaminin ko 'yun. Dahil pag nag-mature tayo, maa-appreciate natin ang maliliit at malaking bagay na idinulot nila sa atin. At ang hardships na kapalit noon ay hindi ko isinisisi sa kanila. Dahil sa simula pa lang ay may choice akong pinili.

Ang lahat sa 'tin, dumadaan sa punto ng buhay na kailangang may gawin tayong desisyon na makakapagpa-liberate sa atin. Kailangan nating ipagtanggol ang kahit anong maliit na natitira sa pagkatao natin. Pumalag kahit minsan sa mga maling turing.

Kung sisikilin nila ang isang bahagi ng pagkatao ko, hindi nila ako binabayaang mag-exist. Hindi ako nagiging ako. So kung anuman 'yung bahagi na iyon, masasabi kong ito na ang pinaka-tamang nagawa ko sa sarili ko. 

Ang manindigan. Walang ibang maninindigan para sa akin. Hindi manghihimasok ang ibang mga naaawa kong kamag-anak. Hindi ako ipagtatanggol ng nag-iisang kapatid ko na umaasa din sa kanila. Inilaglag at pinasama pa akong lalo ng nanay ko na umiwan sa amin ng lagpas 12 taon, para lang makapaghugas-kamay sa nagawa n'ya. Wala akong bagay na masasabi kong akin.

Kung may bagay akong pinagsisisihan ay 'yung hindi sa kanila makapag-pasalamat. Na sa kabila ng lahat, bahagi sila ng kung ano ako. Sila ang nagtaguyod ng pundasyon ko. Kaya kung gano ako katapang ngayon, sila ang nagbigay nun. Pero still, kung ayaw mo sa government, tikal ka na lang. Magiging mahirap ang daan na 'yun, malubak. Pero hindi naman nawawala ang Panginoon.



Sa paglipas ng panahon, kahit gano kaimportante ang mga ginampanan nila sa buhay mo, kapag matagal mong itinago o hindi tinignan ang mga larawang kasama sila --bigla silang nagiging ESTRANGHERO. Piliin lang ang mga litratong gusto mong palayain at panatilihin sa iyong gunita. Matutong MAGPAHALAGA. At huwag matakot KUMAWALA.











7.9.13

"MALAGU"


Previously ay sinilipan natin ang Top 6 na pinaka-"masasanting" na transmen sa mundo. Ngayon naman ay ilista natin ang Top 6 na pinaka-"malalagung" transgender women. Malamang hindi lahat sila ay may 100% na katawang pambabae na. Sige nga, paano ko malalaman? At least naman, mayroon na sa kanilang naipaputol na ang mga nakausling sanga-sanga, may mga nagpasemento na din ng "humps" sa kanilang kalsada. Maaaring hindi kapantay ng panlasa ko ang mapapabilang sa mga listahan ninyo. Pwede ding iba ang rankings n'yo sa anim na ito. Hindi naman ito paid, at lalong hindi pangmalawakang bilangan ang boto. Yan naman, pag-awayan pa natin ang accuracy ng pagtingin sa kung sinong mas maganda kanino?




6.)    Kevin Balot,   Philippines


Si Kevin ay kapatid ni Kim Balot, yung dalaginding na pinapasok ni Big Brother sa bahay n'ya para manggulo sa Myrves fairytale. Ang awa ko lang kay Kim, sinabihan kase s'ya ng netizens na mas mukha s'yang bakla kesa sa kuya n'ya. Anyway, si Kevin ang title holder last Miss International Queen 2012. Ito ang Miss World counterpart ng beki pageants. Medyo nasobrahan lang sa energy drink ang ate mo nung sumagot sa Q&A. Nursing graduate si ditse na nangangakong ire-retain ang panlalaking pangalan. Ayaw daw n'yang gumamit ng screen name o kahit alias.



5.)     Jenna Talackova,   Canada


Jenna is of Czech and Babine descent, born and raised in British Columbia. She is a Canadian model and television personality, who gained media attention in 2012 when she successfully waged a legal battle to be allowed to compete in the Miss Universe Canada pagkatapos ma-disqualify dahil sa pagiging transwoman. Anforchuneytli, hindi nakapasok ang lola mo sa Top 5 ng Miss Universe Canada though naiuwi n'ya ang Miss Congeniality trophy. Naging co-grand marshal s'ya noong 2012 Vancouver Pride Parade bilang pagkilala sa pakikipaglaban n'ya na mapayagang makasali ang transgenders sa Miss U. Modela ang lola mo ngayon sa Toronto. Super-catwalk.



4.)    Treechada Petcharat,   Thailand


Saknarin Manyaporn sa tunay na buhay or better known by the names Poyd or Treechada Petcharat. Isa na s'ya ngayong Thai actress and model. Assigned male at birth, Poyd underwent sex reassignment surgery at age 17. At age 19, Treechada won the Miss Tiffany's 2004 and Miss International Queen 2004. Kim Chiu lang na porn star ang peg di ba? Malago..



3.)    Francine Garcia,   Philippines


Hindi na-dethrone ang Super Sireyna Queen of Queens 2013 winner na si Francine Garcia tulad ng unang napabalita. Nag-leak sa internet ang scandal photos ni Francine na tila ba naglalaro s'ya ng binhi ng buhay at nakikipag-cybersex. Baka resbak ng mga mahadera n'yang kalaban sa Sireyna... or sa real life. Uhmm, medyo pala-away din kase si gurl. Si Kim Chiu rin daw ang peg ni ditse noon pa kahit sa Sireyna. Kotang-kota na sa mga tranny 'yan si Kimay, huh?!



2.)    Nalada Thamthanakorn,   Thailand


Si Nalada Thamthanakorn naman ang winner ng 13th Miss Tiffany's Universe 2010, ito ang Thailand's most popular transsexual beauty pageant. Miss Universe ng transwomen around the world na balot na balot ngayon ng kontrobersya dahil bias at lutong macau daw ang kumpetisyon. Iisa lang ang depinisyon nila ng ganda. Dapat payat, asyano, maputi ang balat, straight na itim ang buhok at dapat laging bahagyang bilugan na pa-chinita ang mata. Kaya naman sa buong history ng pageant e puro Thai lang ang mga naipanalo dito. Famous vote lagi kase ang pinapaboran. San ba 'yan ginaganap? Sa Thailand. Pati nga 'yung Miss International Queen, sa Thailand din 'yun. So sinong aasahan na palaging mananalo? Alangan namang si Miss Mongolia? Si Nalada na isang 19 year old stunner (at stunner naman talaga) ay nabansagang Thailand's most beautiful katoey (ladyboy or woman-of-the-2nd-category) ng kanilang bansa.



1.)    Carmen Carrera,   USA


Si Carmen Carrera ng Elmwood Park, New Jersey, ang ating pinaka-'malagung' transgender na mula sa American reality television series na RuPaul's Drag Race, at napanuod din sa spin-off series nitong RuPaul's Drag U. Bukod sa pagiging reality tv personality, model at burlesque performer din s'ya. Although she identified as male during the third season of RuPaul's, last May 1, 2012 ay ibinalita ni Carmen na isa na s'yang ganap na transgender woman. Nakilala si Carmen bilang isa sa apat na myembro ng Team "Heathers" sa show (kasama ang pinoy na si Manila Luzon, with Delta Work and Raja). Pina-boom ni Carmen, kung hindi man pinasikat, ang "nude" style of drag. S'ya na yata ang pinaka-mukhang babae na sumali sa show. Masugid na taga-suporta s'ya ng AIDS Awareness Campaign sa US.








Mapapansin ninyong karamihan sa kanila ay hindi masyadong napagkikinitaan sa mga LGBT meetings at iba pang programa na sumusuporta sa mga miyembro ng third sex. Sabi nga nila kung may taga-luto ng handa, may taga-facilitate din ng event at may taga-harap sa bisita. Sa mga babaeng ito ang entertainment. Kaya kumpara sa mga gays at lesbians.. sila 'yung mas missing in action sa mga ganitong kampanya dahil sila yung mas madalas nasa spotlight. Kailan ba nagkaroon ng pageant para sa mga tomboy? Mas umeeffort sila pagdating sa pagpapagandahan dahil 'yun ang essence ng pagiging dalagita nila. Na maging sampung ulit na magandang bersyon sila ng kababaihan.


Ang gagandang mga lalaki naman kase nito nila ma'am!








Takas






Diary Entry. September 27, 2011. 9:35 NG

"KALUWAGAN. Ang hatid sa aking dibdib habang isa-isang ginugulgol ko ang bawat bahid ng iyong anino sa aking telepono. Halos punuin ng makakapal at makunat mong mukha ang espasyo ng kanyang memorya.

Simula ngayon, hinding-hindi na kita kukunan ulit ng litrato. At simula bukas, hinding-hindi na kita iiyakan ulit. Ngayong gabi, hindi ako papanaw.. walang maluluray kahit gausling himaymay sa aking kalamnan. Sisikapin kong kumawala ng BUO, sa sibat na itinutudla ng iyong bagyo."






Ni Hao.. Kailan?



PIG OUT (noun) - If you have an unli-rest day and you lock yourself inside your room. Walang ligo-ligo. Hindi ka lalabas ng bahay. Magdi-dvd marathon ka hanggang mabulag. Kakain ng kahit anong masarap na pagkain hanggang sa pagkain na mismo ang sumuko sa'yo. Hanggang sa magtutong na ang damit mo at kumapal ang mga ngipin mo. Hanggang sa kung kailan dinner time dapat ay doon mo kakainin ang mga meals na pang-almusal. At pag alas-sais ng umaga nama'y nagka-crackers ka imbes tinapay. That's when you're pigging out. Just exactly what I'm doing right now.




Binabangaw ang hugasan. Naghalo sa sahig ang mga mumu ng pinagkanan. Kudos sa'yo kung mahuhulaan mo kung ano sa mga kalat ang sitsiryang para sa tao at dog food. Lagpas isang buwan na kong nag-iinaso pagkatapos na lisanin ko ang dati kong bilangguan sa Eastwood. Kabisado ko na ang mga palabas locally and pati sa cable, kahit mga slogans ng TVC's alam ko na din. Alam ko na ang schedule ng mga tv programs at kung kailan sa buong maghapon maglilimayon ang mga may-sense panoorin. Most of the time, nagdi-DVD marathon lang ako. Basura ang palabas sa telebisyon. Puro lutu-lutuan ng mga dishes na imposibleng maluto sa aktwal ng ganun kasarap. Puro pag-iinarte sa mga walang kapararakang bagay. Wala ng producers ang sumusugal sa mga kakaiba at mas interesanteng programa. Lagi sila dun sa mga pa-safe at kung ano lang ang kinagisnan na.

Ang first and last scene ng paborito kong tv series na Lost.

Tatlong taon nang nakakaraan after ng finale episode ng LOST. Tatlong taon na ding nasa akin ang kumpletong bala ng mga dvd nito mula seasons 1-6 at ngayon ko lang natapos itong panoorin. Pinaiyak ako ng tv series na ito dahil imagine, tinutukan ko s'ya ng walang sagabal na trabaho o gawain. Pinaglamayan ko s'ya ng husto at nakaka-straight sampung episodes ako sa isang upuan lang. Sa wakas tapos na ito, nagsisimula ko nang tawagin ang mga characters na para bang kasama ko sila ngayon at nag-e-exist sa tunay na buhay. Kailangan ko ng ibalik ang dati kong buhay. Dumadagdag ang araw ay namomroblema ako kung sang bangko ako magba-baklas ng vault para may maipambayad sa bills. Nagpapasalamat lang ako at nagkaron ako ng chance na maging petiks ng ganito. Antagal ko na ding walang naging pahi-pahinga at puro ako noon trabaho.




Mas naaalangan ako kesa natatakot sa mga pwedeng mangyari sa mga susunod na araw. Ayoko namang maging sobrang kompidante na madali lang maghanap ng susunod kong magiging bilangguan. Sana lang huwag na akong gumawa pa ulit ng maling mga desisyon. Lahat ng pag-aalala na ito ay mag-uumpisang mawala kung mag-umpisa na din akong bumangon at mag-inat inat ngayon. Ang hirap ng walang inspirasyon. Habang kini-click ko ang 'publish' button ng post na ito ay s'yang tumutugtog naman ang "Today My Life Begins" ni pareng bruno na saktong-saktong hinihingi ngayon ng sitwasyon sa kung anong dapat maging vibe ko.


Yeah baby. Babangon na 'ko. Dapat. Kailangan.
Maglilinis na ako ng bahay. Maghahanap ng kulungan. At hahataw.

"Espirito ng Kasipagan... ngayon din, tinatawagan kita sampu ng iyong mga----"



Uhmm.. o di kaya mamya na lang siguro? Or bukas? O mga early next week?




Zzz...  ..  .  .  . .  .  .


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...