25.4.13

'De ikaw na.. Da best ka e!


Nakakatuwang isipin kung gaano kabilis bitawan ng isang tao ang lahat ng natutunan n’ya sa buhay, makapag-pahayag lang ng isang pasabog na komento sa isang thread. Once may isyu na pakiramdam n’ya magbibigay sa kanya ng impression na mas marami s’yang alam, kaya n’ya kalimutan ang mga pangaral sa kanya ng mga magulang n’ya. Madali s’yang kontrolin ng sitwasyon at sasaliksikin ang pinaka-detalyadong pruweba bakit s’ya naging tama. Hindi naman s’ya abogado. Hindi naman s’ya involved. Nagmamarunong lang.

Isang magandang halimbawa ang network wars sa Philippine Television. Bangayan ang mga fans kung anong istasyon ang mas magaling, kung ano ang mas patok. Kakaladkarin ang pangalan ng kung sinu-sinong personalidad para mas makagawa ng ingay. Pag kinagat ‘yun ng tau-tauhan, mas lalong iingay ‘yung isyu. Kung anu-anong kasiraan ang uungkatin, kung anu-anong bansag sa isa’t isa ang pakakawalan. Yun lang ba ang channels na meron? Mga poor, walang cable. Charot.

May marinig lang na tsismis sa isang artista na hindi n’ya masyado iniidolo, lilitisin na agad ang pagkatao mula nung ipinanganak at mag-artista ito. Bakla si ganyan. Bobo si ganto. Kabit ni ganto si ganyan. Nahuling naglalambunchingan si X at si Y and they sneaked out during the shoot. Mabaho ang hininga ng artistang si John Mae Lovely Jr. Wala naman sila sa pinangyarihan. Mas lalong wala din namang ebidensya. Pero pag kinwento, parang first-hand ang tsismis. Parang kasali s’ya. “Kinwento sa akin nung kaklase ng ninang ko sa kumpil.” Hanggang sa sobrang modified na ‘yung kwento. Una blind item lang tas magiging katotohanan na ang kasinungalingan.




Sapat na bang dahilan na manapak ka ng tao o institusyon dahil lang sa ibinabahagi mo ‘yung pinaniniwalaan mo? E sa bandang huli, lahat naman sila televiewers lang. Baka nga ‘yung mga pinagsasabong nila at idolong nilalagay sa pedestal e mga magkakaibigan talaga sa totoong buhay. Parang bata na pinakikilos ang tau-tauhang sundalo sa gusto nilang maging takbo ng istorya. Lahat ng nilalait at hinahangaan, kasangkapan. Hindi nila alam bago ang mga iyon, sila muna ang unang naging tau-tauhan.

Pagkatapos na maitaas ang ihe, babalik din naman sila sa normal na daloy, sa pagiging kawawa, sa pagiging boring at sa pagiging walang saysay. Pero nabitawan na nila ang mga panlilibak. Ni walang kasiguraduhan kung ‘yun ba talaga ang opinyun nila o binibigyan lang nila ng diskusyon at pag-uusapan ‘yung iba.

Hayst, hindi ibinabase sa bigat ng salita at tapang ng statement para sabihing magaling ka. Katulad na hindi ibinabase sa dagundong ng boses ang pakikipagtalo para maipahayag ang gusto mo. Nilalamon lang ng boses mo ang kapaligiran. Nakakatuwa kung pano mo laruin ang mga salita, pero hindi ibig sabihin noon ‘dapat sambahin ka na’.

Antapang sa facebook, matalas ang dila sa twitter, rational mag-isip sa mga social networking sites, nakaka-bilib ang press release ng mga punto n’ya, pero lahat ng ‘yun hanggang sa posts lang. Ganon kase may mga kunsintidor na likers lang. Wag mo titignan kung pano n’ya paandarin ang sariling buhay. Palpal. Banban. Ampaw.

Oo na. Normal ang magbigay ng komento sa huntahan. Pero dapat bahagi ng sarili mo yung sinasabi mo. Magpatotoo ka sa isang bagay, pero dapat naniniwala ka rin sa sinasabi mo. Hindi ‘yung makapag-pasikat ka lang pero hindi nagmamanifest sa buhay mo ‘yung pagiging idealistic na ipinoportray mo. Magkaiba ‘yung critic na nakikisawsaw at ‘yung talagang naninindigan sa prinsipyo. Wag ka mamersonal dahil lang sa na-offend ka na pinuna nila ‘yung tinatangkilik mo.

Siguro nga nakikipagpalitan ka lang ng kuro-kuro pero tandaan mo, nasa imahinasyon ka pa din. Wala ka sa katotohanan. Nagpapalamon ka sa bagay na wala ka namang kinalaman. Pagtapos mo ma-highblood, pag nasa totoong-mundo ka na, baka pati ‘yung mga ipinreach mo hindi mo naman gamitin sa totoong-buhay. Katulad ko, napaka-mapagmatuwid ko ngayon pero pagka-publish na pagka-publish lang ng post na ito, balik na naman ako sa pagiging GAGO. Haha. Trip-trip lang.

--- “Ambilis mo ipagkalat ang mga bagay na hindi mo sigurado kung totoo tas nagtatanong ka bakit mabilis linlangin ang damdamin pag nagmamahal?” Charot lang. Good morning.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...