June 11, 2008
11:20 ng gabi
Parang kahapon lang. Di ko lubos maisip na siyam na buwan na din pala. Siyam na buwan din tayong nakipagduwelo sa walang humpay na bolahan. Lokohan. Ambilis talaga.
Nilasing tayong maigi ng ideyang ang lahat ay pang-habambuhay. Uma-umaga tayong nagigising na magkadait ang mga pisngi, iisa ang mga katawan, akala natin gabi-gabi’y di na tayo sisikatan ng araw. Ang mga nangyayari sa ‘tin noon sa buong maghapon ay parang unang beses. ‘Ni hindi sumagi sa isip natin noon ang pwedeng mangyari sa kasalukuyan.
    
Marahil nga’y napakaaga nating tinahak ang landas ng pamamaalam. Paano’y
 naging maaga rin kasi ang pagbibilang natin ng mga bituin sa gabi. Ang 
gusto mo sana’y dugtungan ko ang papel na listahan mo ng mga pangarap na
 hindi rin naman matutupad. Subalit kay hirap iindak ng buo kong sistema
 sa walang patid na sayawan sa kalawakan.
    
Ngayon aaminin ko na ang totoo. Na ang matang nasilayan mo noon ay 
naiwan lang dahil sa pagtitimpi. Lumaban lang para patunayang hindi ako 
ang sinasaad ng mga husga mo. Nanatili lang dahil nagtitiis. Kahit 
itinatanggi ang sakit. Kahit nagkukunwari.
    
Pinilit kong intindihin ang lahat-lahat pero ayaw kitang  umasa. Sa 
maniwala ka’t sa hindi…ginawa ko ang lahat. Lahat ng paraang alam ko 
para panatilihin ang kislap ng bukod tanging istar na walang pagod 
nating tinitingala.
Kaya patawad kung sa pag-ilanlang mo ay kagyat lang akong tatangis. Alam kong hindi ka naging maramot sa pagbibilang ng ponyetang mga istar na iyan!!
    
Di ko din alam kung may darating pa sa akin na hindi man higit sa iyo ay
 kasing sugid mo namang tumanghod sa kalangitan habang katabi ako. Yung 
taong magpapadama man lang sa akin ng halaga ko.
    
Kaya muli, patawad..kung sa aking pagdaan ay madatnan kitang nag-iisa. 
Naghihintay sa muli nating pagmamasid, pagbabaka-sakaling may 
matatangnang bulalakaw.  Mag-isang titingala sa madilim na panginorin at
 mag-aabang ng nagbabagang asteroyd na tatapunan mo ng kahilingan. 
Solong magbubuhol ng panyong puti bago ang pabagsak na tala'y tuluyang 
lumapag sa lupa.

Oo nga pala..patawarin mo uli ako..dahil hindi na tulad ng dati ang hihilingin ko.
"Hindi ko na kayang bumalik. Masyado nang malalim itong gabi. Mas malalim pa sa mga sugat ng siyam na buwang nagalusan mo ako."


wow, you write well.
TumugonBurahinThank you sa pagbabasa. No, wala po ako sa kalingkingan ninyo! :D
Burahin